Nahulog ang tao sa kalagitnaan ng Aking liwanag, at mabilis siyang nakabangon dahil sa Aking kaligtasan. Noong dinala Ko ang kaligtasan sa buong sandaigdigan, sinubukan ng tao na hanapin ang mga paraan upang makapasok sa daloy ng Aking pagpapanumbalik, ngunit marami ang natangay nang walang bakas sa malakas na agos ng panunumbalik na ito; marami ang nalunod at nilamon ng malakas na agos ng mga tubig; at marami rin ang nanatili sa gitna ng malakas na agos, na hindi kailanman nawalan ng direksiyon, at sumunod sa malakas na agos hanggang ngayon. Humahakbang Ako kasabay ng tao, ngunit hindi pa rin niya Ako nakikilala; alam niya lang ang mga panlabas Kong kasuotan, at wala siyang kaalam-alam sa mga kayamanan na nakatago sa Aking kalooban. Kahit na sinusustentuhan Ko ang tao at nagbibigay Ako sa kanya sa bawat araw, wala siyang kakayahan sa tunay na pagtanggap, hindi niya kayang tanggapin ang lahat ng mga kayamanang ibinibigay Ko. Wala sa katiwalian ng tao ang nakaiwas sa Aking paningin; para sa Akin, ang panloob na mundo niya ay katulad ng maliwanag na buwan sa tubig. Hindi Ako nakikipaglaro sa tao, hindi Ko rin sinasabayan ang mga kilos niya; wala lang kakayahan ang tao na panagutan ang kanyang sarili, at dahil dito palaging ubod ng sama ang buong sangkatauhan, at kahit ngayon nananatili siya na walang kakayahang lumaya mula sa naturang kasamaan. Kaawa-awa, kalunus-lunos na sangkatauhan! Bakit nga ba mahal Ako ng tao, ngunit hindi niya kayang sundin ang mga layunin ng Aking Espiritu? Talaga bang hindi Ko ipinahayag ang Aking Sarili sa sangkatauhan? Talaga bang hindi nakita kailanman ng sangkatauhan ang Aking mukha? Maaari kayang masyadong maliit lamang ang kagandahang-loob na Aking ipinakita sa kanila? O ang mga rebelde ng buong sangkatauhan! Dapat silang mawasak sa ilalim ng Aking talampakan, dapat silang maglaho sa gitna ng Aking parusa, at dapat, sa araw ng pagkakumpleto ng Aking dakilang plano, maitataboy sila mula sa sangkatauhan, upang makita ng buong sangkatauhan ang pangit nilang pagmumukha. Bihirang makita ng tao ang Aking mukha at bihira rin niyang marinig ang Aking tinig dahil masyadong nakalilito ang buong mundo, at masyadong malakas ang ingay nito, at dahil dito naging masyadong tamad ang tao na hanapin ang Aking mukha at subukang unawain ang Aking puso. Hindi ba ito ang dahilan ng katiwalian ng tao? Hindi ba dahil dito kaya nangangailangan ang tao? Ang buong sangkatauhan ay palaging nasa gitna ng Aking pagtulong; kung di gayon, kung hindi Ako maawain, sino ang mabubuhay hanggang ngayon? Ang mga kayamanan na nasa Akin ay walang katumbas, ngunit ang lahat ng mga kalamidad ay nandito rin sa Aking mga kamay-at sino ang makaliligtas mula sa kalamidad kung kailan nila gusto? Ang mga panalangin ba ng tao ang magpapahintulot sa kanya upang gawin ito? O ang mga luha sa puso ng tao? Hindi kailanman tunay ang pananampalataya ng tao sa Akin, at dahil dito walang kahit isa sa buong sangkatauhan ang ganap na namuhay sa gitna ng liwanag ng katotohanan, at namuhay lamang sila sa gitna ng pasumpung-sumpong na paglitaw ng liwanag. Ito ang nagdulot sa pangangailangan ng sangkatauhan ngayon.
Masigasig ang bawat isa, handa silang ibuhos ang lahat sa Akin upang may mapala sila mula sa Akin, at dahil dito, sa pagsunod sa sikolohiya ng tao, nagbigay Ako sa kanya ng mga pangako upang magbigay inspirasyon sa tunay na pag-ibig sa kanya. Totoo ba na ang tunay na pag-ibig ng tao ang nagbibigay sa kanya ng lakas? Ang katapatan ba ng tao sa Akin ang humipo sa Aking Espiritu sa langit? Hindi kailanman nakaapekto ng kahit kaunti sa langit ang mga pagkilos ng tao, at kung ang pagtrato Ko sa tao ay batay sa bawat pagkilos niya, ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa kalagitnaan ng Aking pagpaparusa. Maraming tao ang nakita Kong may mga luhang dumadaloy sa kanilang mga pisngi, at maraming mga tao ang nakita Kong naghahandog ng puso bilang kapalit ng mga kayamanan Ko. Sa kabila ng ganyang “kabanalan,” kailanman hindi Ko ibinigay ng ganap ang lahat Ko sa tao bilang resulta ng biglaan niyang simbuyo, dahil kailanman hindi inilaan ng tao ang kanyang sarili sa harapan Ko ng may pagkukusa at kagalakan. Tinanggal Ko ang maskara ng lahat ng mga tao at itinapon Ko ang mga ito sa dagatdagatang apoy, at bilang resulta, hindi nanatiling matibay ang mapagpalagay na katapatan at mga pagsamo ng tao sa harapan Ko. Ang tao ay parang isang ulap sa kalangitan: Kapag umugong ang hangin, kinatatakutan niya ang kalakasan ng pwersa nito at agad na lumulutang na kasunod nito, malalim ang takot niyang maihahampas siya dahil sa kanyang pagsuway. Hindi ba ganito ang pangit na mukha ng tao? Hindi ba ito ang tinatawag na pagkamasunurin ng tao? Hindi ba ito ang “tunay na pakiramdam” at pagkahuwad ng mabuting kalooban ng tao? Maraming mga tao ang ayaw maniwala sa lahat ng mga salitang nagmumula sa Aking bibig, at marami ang ayaw tumanggap ng Aking pagsusuri, at dahil dito ipinagkakanulo ng mga salita at pagkilos nila ang mapaghimagsik nilang mga layunin. Salungat ba ang tinutukoy Ko sa lumang kalikasan ng tao? Hindi ba naaangkop ang ayon sa “mga batas ng kalikasan” na makahulugang ibinigay Ko sa tao? Hindi tunay na sinusundan Ako ng tao; kung tunay na hinahanap niya Ako, hindi Ko na dapat kailangang magsalita ng marami. Ang tao ay walang halagang basura, at kailangan Kong gamitin ang Aking parusa upang pilitin siyang umusad; kung hindi Ko gagawin ito, paano - kahit sapat ang mga pangakong ibinibigay Ko para sa kanyang kasiyahan - mahihipo ang kaniyang puso? Sa maraming taong nabuhay ang tao sa gitna ng masakit na pagpupunyagi; maaaring sabihin na palagi siyang nabubuhay sa kawalan ng pag-asa. Bilang resulta, naiwan siyang walang pag-asa, at pagod sa pisikal at sa pag-iisip, at dahil dito hindi niya masayang tinanggap ang mga kasaganaang ibinigay Ko. Kahit ngayon, walang sinuman ang nakatatanggap sa lahat ng katamisan ng espiritung mula sa Akin. Mananatili na lamang mahirap ang mga tao, at hihintayin nila ang huling araw.
Maraming mga tao ang nais Akong mahalin ng tapat, ngunit dahil hindi nila pag-aari ang mga puso nila, wala silang kontrol sa kanilang mga sarili; maraming mga tao ang tunay na nagmamahal sa Akin sa kabila ng mga pagsubok na ibinibigay Ko sa kanila, ngunit wala silang kakayahang intindihin na talagang umiiral Ako, at minamahal lang nila Ako sa gitna ng kawalan, at hindi dahil sa mismong pag-iral Ko; maraming tao ang pagkatapos ialay ang kanilang mga puso sa Akin ay isinasawalang bahala lang nila ito, kaya inaagaw ni Satanas ang mga puso nila sa tuwing may pagkakataon siya, pagkatapos nito nililisan na nila Ako; maraming mga tao ang tunay na nagmamahal sa Akin pagkaraan Kong ibigay ang Aking mga salita, ngunit hindi nila pinahahalagahan ang mga salita Ko sa kanilang mga kaluluwa, sa halip ay pangkaraniwan nilang ginagamit ito na parang pampublikong ari-arian at itinatapon sa kanilang pinanggalingan tuwing gusto nilang gawin. Hinahanap lamang Ako ng tao sa kalagitnaan ng sakit, at tumitingala siya sa Akin sa gitna ng mga pagsubok. Tinatamasa niya Ako sa panahon ng kapayapaan, kapag nasa panganib ipinagkakaila niya Ako, nakalilimutan niya Ako kapag siya ay abala, at kapag tinatamad siya gumagawa siya para sa Akin ng walang saysay-ngunit wala kailanman ang nagmahal sa Akin sa buong panahon ng kanilang buhay. Gusto Ko na maging taimtim ang tao sa harapan Ko: Hindi Ko hinihiling na magbigay siya ng anumang bagay sa Akin, ngunit seryosohin lamang sana Ako ng lahat ng mga tao, na sa halip na inililigaw Ako, hahayaan sana nila Akong ibalik ang katapatan ng tao. Tumatagos ang kaliwanagan, pagliliwanag, at ang halaga ng mga pagsisikap Ko sa lahat ng mga tao, ngunit katotohanan na tumatagos rin ang bawat pagkilos ng tao sa lahat ng mga tao, tumatagos ang panlilinlang nila sa Akin. Parang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kaniya na mula pa sa sinapupunan, parang taglay na niya ang mga natatanging kasanayan sa panlilinlang mula kapanganakan. Ano pa nga ba ang higit dito, hindi niya kailanman binitawan ang gawaing ito; walang sinuman ang nakakita sa ugat ng mga kasanayan sa pandarayang ito. Bilang resulta, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang at wala man lang siyang kamalay-malay dito, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, na parang ang mga ito ay itinakda ng Diyos sa halip na sinadyang panlilinlang niya sa Akin. Hindi ba ito ang pinakapinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba tusong gawain niya ito? Hindi Ako naisahan kailanman sa mga pagsusumamo at panlilinlang ng tao, dahil matagal Ko ng napagtanto ang kalikasan niya. Sino ang nakaaalam kung gaano karumi ang dugo niya, at kung gaano karami ang kamandag ni Satanas sa kanyang kaibuturan? Nasasanay ang tao dito sa bawat pagdaan ng araw, kaya wala na siyang malay sa mga kapighatian ni Satanas, at dahil dito wala na siyang pagkawili na hanapin ang “paraan ng isang mabuting pamumuhay."
Kapag lumalayo ang tao sa Akin, at kapag sinusubok niya Ako, itinatago Ko ang Aking sarili mula sa kanya sa kalagitnaan ng mga ulap. Bilang resulta, wala siyang mahahanap na anumang bakas Ko, at maninirahan na lamang siya sa mga kamay ng mga masasama, upang gawin ang lahat ng hinihiling nila. Kapag malapit ang tao sa Akin, nagpapakita Ako sa kanya at hindi Ko itinatago ang Aking mukha, at sa panahon na ito, nakikita ng tao ang mabait Kong mukha. Bigla siyang natatauhan, at bagaman hindi niya mapagtanto ito, nabubuo sa kanya ang pag-ibig sa Akin. Sa kanyang puso, bigla niyang nararamdaman ang walang kapantay na tamis, at nahihiwagaan siya kung paanong wala siyang malay sa pag-iral Ko sa sandaigdigan. Kaya nagkaroon ang tao ng mas malalim na pagkaintindi sa Aking kagandahan, at, higit pa rito, sa Aking kahalagahan. Bilang resulta, kailanman ay ayaw na niya Akong iwanan, tumitingala siya sa Akin bilang liwanag ng kanyang kaligtasan, at, malalim ang takot niya na siya’y Aking iwanan, yumayakap siya sa Akin ng napakahigpit. Hindi Ako naitutulak ng kasigasigan ng tao, ngunit maawain Ako sa kanya dahil sa kanyang pag-ibig. Sa panahong ito, kasalukuyang nabubuhay ang tao sa gitna ng mga pagsubok Ko. Naglaho ang Aking mukha sa kanyang puso, at agad niyang naramdaman na walang saysay ang kanyang buhay at pinag-iisipan niyang kumawala. Sa sandaling ito, hubad ang puso ng tao. Hindi niya Ako niyayakap dahil sa Aking katangian ngunit hinihiling niya na protektahan Ko siya sa pamamagitan ng Aking pagmamahal. Ngunit kapag namintas ang pag-mamahal Ko sa tao, nagbabago agad ang kanyang isipan; sinisira niya ang tipan niya sa Akin at sinusuway ang Aking pasya, ayaw na niyang tumingin sa maawain Kong mukha, at binabago niya ang pananaw niya sa Akin, at sasabihing kailanman hindi Ko iniligtas ang tao. Awa lang ba ang bumubuo sa tunay na pag-ibig? Minamahal lang ba Ako ng tao kung ang buhay niya ay nasa ilalim ng nagniningning na liwanag Ko? Nabubuhay siya sa kasalukuyan ngunit nakatingin sa nakaraan-hindi ba ganito ang kalagayan ng tao? Sadyang ganito ka pa rin ba bukas? Gusto kong magkaroon ang tao ng isang puso na ang kaibuturan ay nasasabik lamang sa Akin, hindi puso na nasisiyahan sa mga mabababaw na bagay.
Marso 21, 1992
Marso 21, 1992


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento