Sa pagtunog ng Aking tinig, sa pagsiklab ng apoy mula sa Aking mga mata, sinusubaybayan Ko ang buong mundo, inoobserbahan Ko ang buong daigdig. Nananalangin sa Akin ang buong sangkatauhan, tumitingala sila sa Akin, nagmamakaawang itigil Ko ang Aking galit, at isinusumpang hindi na kailanman sila magrerebelde sa Akin. Ngunit hindi na ito ang nakaraan; ito ay kasalukuyan. Sino ang makapipigil sa Aking kalooban? Tiyak na hindi ang pananalangin sa loob ng puso ng mga tao, at hindi ang mga salita sa kanilang mga bibig? Kung hindi dahil sa Akin, sino ang makaliligtas hanggang sa kasalukuyan? Sino ang mabubuhay maliban sa pamamagitan ng mga salita ng Aking bibig? Sino ang hindi nagsisinungaling sa ilalim ng mapagmatyag Kong mga mata? Sa patuloy Kong paggawa ng bago Kong gawain sa buong mundo, sino ang may kakayahang makatakas mula dito? Maaari kayang iwasan ito ng mga bundok sa pamamagitan ng kanilang taas? Maaari kayang itaboy ito ng mga tubig, sa pamamagitan ng kanilang kalakhan? Sa Aking plano, kailanma’y walang anumang nilalang ang basta-basta Kong hinahayaang lumisan, kaya wala kailanman kahit isang tao, o anumang nilalang, ang nakatakas mula sa pagdakma ng Aking mga kamay. Naitatanghal ngayon ang banal Kong pangalan sa buong sangkatauhan, at muli, umaangat sa buong sangkatauhan ang mga salitang may pasubali laban sa Akin, at laganap sa buong sangkatauhan ang mga alamat tungkol sa Aking personalidad. Hindi Ko hahayaang husgahan Ako ng ang mga tao, at hindi Ko rin hahayaang hati-hatiin nila ang Aking katawan, mas lalong hindi Ko hahayaan ang mga matitindi nilang pagtutuligsa laban sa Akin. Dahil kailanman hindi Ako ganap na kilala ng tao, palagi nila Akong sinusuway at nililinlang, nabibigo silang mahalin ang Aking Espiritu o pahalagahan ang mga salita Ko. Para sa bawat gawa at pagkilos niya, at para sa mga saloobin niya sa Akin, ibibigay Ko sa tao ang “gantimpala” na nararapat sa kanya. Kaya, gumagawa ang mga tao para sa kanilang mga “gantimpala,” at wala kahit isa ang gumawa ng may pagsasakripisyo. Ayaw ng mga tao ang gumawa ng walang pag-iimbot, ngunit nagagalak siya sa mga gantimpala na maaaring makuha ng walang kapalit. Kahit inilaan ni Pedro ang sarili niya sa harapan Ko, hindi ito para sa kapakanan ng gantimpala sa hinaharap, ngunit para ito sa kapakanan ng kasalukuyang kaalaman. Kailanman hindi nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan ang sangkatauhan sa Akin, ngunit lagi siyang nakikitungo sa Akin sa isang mababaw na paraan, sa pag-iisip na makukuha niya ang pagsang-ayon Ko ng walang kahirap-hirap. Tumingin Ako sa kaibuturan ng puso ng tao, kaya natuklasan Ko sa kanyang kaloob-looban ang “isang mina ng maraming kayamanan,” isang bagay na kahit ang tao ay walang kamalayan ngunit natuklasan Ko ito. At dahil dito, ititigil lamang ng mga tao ang pagpapahamak sa sariling kalooban kapag makakakita sila ng “materyal na katibayan” at, bukas loob nilang aaminin ang maruming estado ng kanilang mga sarili. Sa gitna ng mga tao, marami pang mga bago at sariwang bagay ang “ilalabas” Ko para sa kasiyahan ng buong sangkatauhan. Hindi Ako titigil sa Aking gawain dahil sa kawalan ng kakayahan ng tao, ipagpapatuloy Ko siyang kukumpuniin at pananatilihin alinsunod sa Aking orihinal na plano. Ang tao ay parang isang puno ng prutas. Kung walang pagputol at paglilinis, mabibigong mamunga ang puno at, sa katapusan, ang makikita ng lahat ay mga lantang sanga at nahuhulog na mga dahon, wala man lang itong prutas na mahuhulog sa lupa.
Sa araw-araw Kong pagpapaganda sa “loobang silid” ng Aking kaharian, kailanman walang sinuman ang biglang pumapasok sa “lugar ng trabaho” Ko upang gambalain ang Aking gawain. Ginagawa ng buong sangkatauhan ang buo nilang kakayahan upang makipagtulungan sa Akin, natatakot sila na “mapaalis” at “mawalan ng posisyon” at dahil dito umaabot sila sa dulo ng kanilang buhay kung saan maaari pa silang mahulog sa “disyerto” na nasasakupan ni Satanas. Dahil sa takot ng tao, inaaliw at minamahal Ko siya araw-araw at binibigyan Ko siya ng mga tagubilin para sa kaniyang pang-araw-araw na buhay. Parang mga sanggol na bagong panganak ang mga tao; kung hindi sila mabibigyan ng gatas, lilisanin nila ang mundo at maglalaho na sila sa hindi katagalan. Sa gitna ng mga hinaing ng sangkatauhan, paparito Ako sa mundo ng mga tao at, kaagad, mananahan ang sangkatauhan sa isang mundo ng liwanag, hindi na sila makukulong sa loob ng isang “silid” na kung saan isinisigaw nila ang kanilang mga panalangin sa langit. Sa sandaling makita nila Ako, igigiit nila ang mga hinaing na nakatago sa kanilang mga puso, ibubukas nila sa harapan Ko ang mga bibig nila upang humingi ng pagkain na ibibigay Ko sa kanila. Ngunit pagkatapos nito, kapag humupa na ang mga takot at naibalik na ang kahinahunan nila, hindi na sila hihiling ng anumang bagay sa Akin, ngunit makatutulog na sila ng mahimbing, o kung hindi, itatanggi na nila ang pag-iral Ko at aasikasuhin na nila ang kanilang mga pansariling gawain. Sa “paglisan” ng sangkatauhan malinaw na malinaw kung paano isakatuparan ng mga tao, na walang “pakiramdam,” ang “walang kinikilingan na katarungan” nila sa Akin. Dahil dito, sa pagkakita Ko sa hindi kanais-nais na aspeto ng tao, tahimik Akong yayaon at hindi na Ako bababa muli para sa maalab niyang pagsusumamo. Walang kaalam-alam ang tao na araw-araw na lumalaki ang problema niya, at dahil dito, kapag bigla niyang madiskubre ang Aking pag-iral, sa pagtanggi niya sa sagot na “hindi,” hahawakan niya Ako at hahatakin sa kanyang bahay bilang isang bisita. Ngunit, kahit maghahain siya ng masarap na pagkain para sa kasiyahan Ko, hindi niya Ako itinuring kailanman na bahagi ng kanyang pamilya, sa halip ay tinatrato niya Ako bilang isang bisita upang makakuha ng maliit na tulong mula sa Akin. At sa pagkakataong ito, biglang ihahayag ng tao ang nakakaawang kalagayan niya sa harapan Ko, sa pag-asang makuha ang Aking “lagda,” at, katulad ng isang nangangailangan ng pautang para sa kanyang negosyo, aasikasuhin niya Ako sa lahat ng kakayahan niya. Sa bawat kilos at galaw niya, madali Kong mapansin ang layunin ng tao: Parang sa pananaw niya, hindi Ko alam kung paano basahin ang kahulugan ng pagpapahiwatig ng mukha o ang nakatago sa likuran ng kanyang mga salita, o kung paano tumingin sa ilalim ng puso ng isang tao. Kaya dahil sa kompiyansa, ibinubuhos ng tao sa Akin, ng walang mali o pagkukulang, ang bawat karanasan niya sa bawat tagpong pinagdaanan niya, at ihahayag niya pagkatapos ang mga pangangailangan niya sa harapan Ko. Galit at kinamumuhian Ko ang bawat gawa at pagkilos ng tao. Sa buong sangkatauhan, wala ni isa kailanman ang tumupad sa gawain na gusto Ko, parang sinasadyang kalabanin Ako ng sangkatauhan, at pakay nilang pukawin ang Aking poot: Lahat sila ay pabalik-balik sa harapan Ko, sinusunod nila ang sarili nilang kalooban sa harapan ng Aking mga mata. Wala kahit isa sa buong sangkatauhan ang nabubuhay para sa Akin, at bilang kahihinatnan walang halaga at kahulugan ang pag-iral ng buong sangkatauhan, kaya nabubuhay sila sa kawalan. Kahit ganito, ayaw pa ring gumising ang sangkatauhan, at patuloy siyang nagrerebelde laban sa Akin, nagpapatuloy sa kanyang kapalaluan.
Sa lahat ng dinaanan nilang mga pagsubok, kailanman hindi Ako nalugod sa sangkatauhan. Dahil sa malupit nilang kasamaan, walang layunin ang sangkatauhan na magpatotoo para sa Aking pangalan; sa halip, “tumakbo siya sa ibang daan” habang umaasa sa Akin para sa kabuhayan. Ang puso ng tao ay hindi ganap na bumalik sa Akin, kaya inaatake siya ni Satanas hanggang sa naging sugatan, at nabalot ang kanyang katawan sa kasamaan. Ngunit hindi pa rin mapagtanto ng tao kung gaano nakasusuklam ang kanyang mukha: Sa buong panahon lagi siyang sumasamba kay Satanas sa Aking likuran. Sa kadahilanang ito, itinapon Ko ng may galit ang tao sa napakalalim na hukay, ginawa Ko ito para hindi na niya magagawang iligtas ang kanyang sarili. Kahit ganito, sa gitna ng kalunus-lunos niyang paghagulgol, ayaw pa ring baguhin ng tao ang kanyang pag-iisip, ipinasya niyang labanan Ako hanggang sa mapait na hangganan, at umasa siyang sadyang pukawin ang Aking walang humpay na galit. Dahil sa kanyang ginawa, itinuring Ko siyang makasalanan at itinanggi Ko mula sa kaniya ang init ng Aking yakap. Mula noong una, pinaglingkuran Ako ng mga anghel at sumunod sila sa Akin nang walang pagbabago o paghinto, ngunit palaging ginagawa ng tao ang ganap na kabaligtaran, na parang hindi siya nagmula sa Akin, kundi ipinanganak sa pamamagitan ni Satanas. Ibinigay ng mga anghel sa Akin mula sa kanilang kinatatayuan ang buo nilang katapatan; hindi sila nagpatinag sa mga pwersa ni Satanas, pinagsumikapan nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Sa pag-aalaga at pagpapakain ng mga anghel, lumago lahat ng malakas at malusog ang napakarami Kong mga anak at ang Aking bayan, walang kahit isa sa mga ito ang mahina o sakitin. Ako ang gumawa nito, ito’y Aking himala. Sa pagpasinaya ng masigabong pagsabog ng kanyon sa pagbangon ng Aking kaharian, sa indayog na saliw, dumating ang mga anghel sa harapan ng Aking plataporma para magpasakop sa Aking pagsisiyasat, sapagkat malaya ang kanilang mga puso mula sa karumihan at sa mga diosdiosan, at hindi sila umiiwas sa Aking pagsisiyasat.
Sa pag-ungol ng malakas na hangin, bumaba ang mga langit sa isang iglap, sinakal nila ang buong sangkatauhan upang hindi na makatawag ang mga tao sa Akin kung gusto nila. Hindi nila namalayan na nasira na ang buong sangkatauhan. Umindayog ang mga puno sa ugoy ng hangin, naririnig paminsan-minsan ang pagkabali ng mga sanga, at natangay sa malayo ang lahat ng mga dahon na lanta. Biglang naging malungkot at nasira ang lupa, at mahigpit na nagyakapan ang mga tao upang paghandaan ang susunod na sakuna na tatama anumang sandali sa mga katawan nila pagkatapos ng taglagas.[a] Paroo’t parito na lumilipad ang mga ibon sa mga burol, parang umiiyak sila sa isang nilalang dahil sa kalungkutan, at sa mga yungib ng bundok umuungol ang mga leon, sinisindak ang mga tao sa kanilang tunog, nanlalamig sila sa takot at kinikilabutan, parang isang masamang pangitain na babala sa napipintong katapusan ng sangkatauhan. Dahil ayaw nilang makita ang kasiyahan Ko sa kanilang pagkasira, nagsipanalangin ng tahimik ang lahat ng mga tao sa “Kataas-taasang Panginoon" sa langit. Ngunit paano mapipigilan ang isang malakas na hangin sa pamamagitan ng ingay ng tubig na dumadaloy sa isang maliit na sapa? Paano itong mapipigilan ng bigla sa pamamagitan ng tunog ng mga taimtim na panalangin ng mga tao? Paano mapatatahimik ang galit sa puso ng mga dagundong ng kulog para sa kapakanan ng mahinang loob ng tao? Pabalik-balik na naiuugoy ang tao sa hangin; paroo’t parito siyang tumatakbo upang magtago mula sa ulan, at nanginginig ang mga tao sa Aking poot, matindi ang takot nilang itatatag Ko ang Aking kamay sa kanilang mga katawan, para Akong dulo ng baril na laging nakatutok sa dibdib ng tao, at muli, parang kaaway Ko siya, ngunit siya ay Aking kaibigan. Kailanman hindi natuklasan ng tao ang tunay Kong hangarin para sa kanya, hindi niya kailanman naunawaan ang tunay Kong mga layunin, at dahil dito, nasasaktan at nakakalaban niya Ako ng hindi sinasadya, ngunit, hindi rin sinasadyang nakikita niya ang Aking pagmamahal. Sa gitna ng Aking pagkapoot mahirap para sa tao na makita ang Aking mukha. Nakatago Ako sa itim na ulap ng Aking galit, at nakatayo Ako, sa kalagitnaan ng mga dagundong ng kulog sa itaas ng buong sandaigdigan upang ipadala ang Aking awa sa tao. Sapagkat hindi Ako kilala ng tao, hindi Ko siya parurusahan dahil sa kabiguan niyang maunawaan ang Aking layunin. Sa mata ng mga tao, paminsan-minsan Kong ibinubulalas ang Aking poot, paminsan-minsan Kong ipinakikita ang Aking ngiti, pero kahit na nakikita niya Ako, hindi kailanman nakita ng tao ang kabuuan ng Aking katangian, hindi pa rin niya marinig ang kagalakan ng korneta, dahil lumago siya na masyadong manhid at walang buhay. Parang umiiral ang Aking imahe sa alaala ng tao, at ang Aking anyo sa kanyang mga saloobin. Subalit, sa buong ebolusyon ng sangkatauhan wala kailanman ni isang tao ang tunay na nakakita sa Akin, dahil masyadong mahina ang utak ng tao. Sa buong pagsisiyasat ng tao sa Akin, napakaprimitibo ng agham ng sangkatauhan kaya, hanggang ngayon, walang “kapani-paniwalang mga resulta” ang kanyang “pang-agham na pananaliksik.” At dahil dito, ganap na blangko ang paksa ng “Aking imahe,” wala kahit isa ang pupuno dito, wala kahit isa ang “makababasag sa isang tala ng mundo,” dahil para sa sangkatauhan kahit ang pagpapanatili sa kasalukuyan niyang katayuan ay isa nang hindi masukat na gantimpala sa gitna ng matinding kasawian.
Marso 23, 1992
Footnotes:
a. Ang kahulugan ng “kalamidad pagkatapos ng tag-lagas” ay “ang parusa ng paghihiganti."
Marso 23, 1992
Footnotes:
a. Ang kahulugan ng “kalamidad pagkatapos ng tag-lagas” ay “ang parusa ng paghihiganti."


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento