Kailangang makinig sa Aking tinig ang lahat ng kanluraning mga sangay:
Noong nakaraan, naging tapat ba kayo sa Akin? Sinunod ba ninyo ang napakabubuti Kong payo? May mga inaasahan ba kayong makatotohanan at hindi malabo at walang katiyakan? Ang katapatan, pag-ibig, at pananampalataya ng tao – walang anuman maliban sa nagmumula sa Akin, maliban sa mga ipinagkaloob Ko. Bayan ko, kapag nakikinig kayo sa Aking mga salita, nauunawaan ba ninyo ang Aking kalooban? Nakikita ba ninyo ang puso Ko? Sa nakaraan, habang naglalakbay kayo sa daan ng paglilingkod, naranasan ninyo ang mga tagumpay at kabiguan, ang mga paglago at mga pagbagal, at may mga panahong nanganib kayong bumagsak at maging sa puntong Ako ay inyong pagtaksilan; ngunit alam ba ninyong sa bawat sandali, nakahanda Akong iligtas kayo? Na sa bawat sandali, lagi Kong itinataas ang Aking tinig upang tawagin at iligtas kayo? Ilang beses na kayong nahulog sa bitag ni Satanas? Ilang beses na kayong nahuli sa mga patibong ng tao? At muli, gaano kayo kadalas mapasama sa walang katapusang pakikipagtalo sa isa’t isa, dahil nabigo kayong palayain ang inyong sarili? Gaano kadalas pumunta ang inyong mga katawan sa Aking tahanan ngunit ang inyong puso, walang nakakaalam kung nasaan? Gayon pa man, ilang beses Kong iniabot ang Aking mapagligtas na kamay upang itayo kayo; ilang beses Kong isinaboy sa inyo ang mga butil ng kaawaan; ilang beses na hindi Ko matiis na makita ang kaawa-awang kalagayan ng inyong paghihirap? Ilang beses … hindi ba ninyo alam?
Ngunit ngayon, dahil sa Aking pag-iingat, sa wakas, napagtagumpayan ninyong lahat ang mga paghihirap at naranasan ninyo ang kaligayahan sa piling Ko; ito ang pagniningning ng Aking karunungan. Gayon pa man, tandaan ninyo itong mabuti! Sino sa inyo ang bumagsak kahit nananatili kayong matatag? Sino sa inyo ang naging malakas nang hindi nakaranas ng saglit na kahinaan? Sa mga lalaki, sino ang nasiyahan sa anumang biyayang hindi nagmula sa Akin? Sino ang nakaranas ng anumang kasawiang hindi nagmula sa Akin? Maaari kayang lahat ng nagmamahal sa Akin ay tumanggap lamang ng pagpapala? Maaari kayang nangyari kay Job ang kasawian dahil nabigo siyang umibig at sa halip ay tinanggihan Ako? Maaari kayang nagawa Akong paglingkuran ni Pablo nang may katapatan sa Aking presensya dahil tunay niya Akong nagawang mahalin? Bagaman maaari ninyong panghawakan ang Aking patotoo, mayroon kaya sa inyo na ang patotoo ay katulad ng lantay na ginto, na walang bahid ng karumihan? May kakayahan kaya ang taong magkaroon ng tunay na katapatan? Na ang inyong patotoong nagdudulot ng kasiyahan sa Akin ay hindi sumasalungat sa inyong “katapatan,” dahil hindi Ako kailanman nanghingi nang labis kahit kaninuman. Batay sa orihinal na layunin ng Aking plano, kayong lahat ay magiging “mga segunda klaseng produkto – hindi kasiya-siya.” Hindi ba ito isang halimbawa ng sinabi Ko sa inyong “pagsasabog ng mga butil ng awa”? Hindi ba pagliligtas Ko ang nakikita ninyo?
Kailangan ninyong ituon lahat ang inyong isipan sa nakaraan: Mula nang makabalik kayo sa Aking tahanan, mayroon bang kahit isang kumilala sa Akin na tulad ng ginawa ni Pedro, na hindi nag-iisip sa makakamit niya o mawawala sa kanya? Nasaulo nga ninyo ang Biblia, ngunit may natutunan ba kayong diwa nito? Gayon pa man, hawak-hawak pa rin ninyo ang inyong “puhunan,” tumatanggi kayong pakawalan nang ganap ang inyong mga sarili. Nang magpahayag Ako, nang magsalita Ako sa inyo nang harapan, sino sa inyo ang nagbaba ng nakasarang “balumbon” upang tanggapin ang mga salita ng buhay na Aking inihayag? Wala kayong galang sa Aking mga salita, at wala kayong pagpapahalaga sa mga ito. Sa halip, ginamit ninyo ang mga salita Ko tulad ng isang baril upang iputok sa inyong mga kaaway para mapanatili ninyo ang inyong mga sariling kalagayan ; hindi ninyo sinikap tanggapin ang Aking hatol para kilalanin Ako na kahit man lang sa pinakamababaw na dahilan. Itinutok ng bawat isa sa inyo ang sandata sa kahit sino, lahat kayo ay “hindi makasarili,” lahat ay “nag-iisip para sa iba” sa bawat sitwasyon; hindi ba ito ang mismong ginagawa ninyo kahapon? At ngayon? Tumaas ang “katapatan” ninyo ng ilang puntos, naging mas sanay na kayong lahat, mas naging ganap, at dahil dito, ang “pagkatakot” ninyo sa Akin ay tumaas nang kaunti, at wala kahit isa ang “nangangahas na kumilos nang basta-basta.” Bakit nananatili kayo sa kalagayang palaging walang kibo? Bakit laging wala ang mga positibong aspeto sa inyo? O Aking mamamayan! Matagal nang lumipas ang nakaraan; hindi na kayo dapat pang umasa rito. Dahil nanindigan kayo kahapon, dapat na ninyong ibigay ang tunay ninyong katapatan sa Akin ngayon, at mas lalong kailangan ninyong magkaroon ng mabuting patotoo para sa Akin bukas, upang manahin ninyo ang Aking pagpapala sa darating na panahon. Ito ang kailangan ninyong maunawaan.
Bagaman wala Ako sa harapan ninyo, ang Aking Espiritu ang tiyak na magkakaloob ng biyaya sa inyo. Umaasa Akong pagyayamanin ninyo ang Aking pagpapala at magagawa ninyong kilalanin ang inyong sarili sa pamamagitan nito. Huwag ninyong kunin ito bilang inyong puhunan; sa halip, punan ninyo kung ano ang kulang sa inyo sa pamamagitan ng mga salita Ko, at kunin ninyo rito ang mga positibong elementong kailangan ninyo. Ito ang mensaheng Aking ipinamamana sa inyo!
Pebrero 28, 1992
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento