2016-12-14

Ang Ikadalawampu’t-pitong Pahayag


Hindi kailanman nahipo ng pag-uugali ng tao ang Aking puso, hindi ko rin nagawang isipin na mahalaga ito. Sa mata ng tao, laging mahigpit ang pagtrato Ko sa kaniya, at lagi Ko siyang pinapangibabawan. Sa lahat ng mga gawain ng tao, babahagyang bagay lamang ang nagawa para sa Akin, halos walang nakatayong matatag sa Aking harapan. Sa huli, guguho sa harapan Ko ng hindi namamalayan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa tao, at magiging maliwanag lamang sa panahong iyan ang Aking mga gawain, makikilala Ako ng lahat ng tao dahil sa sarili nilang kabiguan. Mananatiling walang pagbabago ang kalikasan ng tao. Kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso ay hindi alinsunod sa kalooban Ko-hindi ito ang kinakailangan Ko. Ang pinakakinamumuhian Ko sa lahat ay ang katigasan ng ulo ng tao at ang kanyang pagbabalik sa dati, ngunit ano kayang kapangyarihan ang nag-uudyok sa kanila para magpatuloy sa pagiging banyaga sa Akin, upang manatiling nasa malayo, para hindi makakilos ng alinsunod sa Aking kalooban sa harapan Ko at upang tutulan Ako sa Aking likuran? Ito ba ang kanilang katapatan? Ito ba ang pag-ibig nila para sa Akin? Bakit hindi sila magsisi at isilang na muli? Bakit ginugusto ng mga taong mabuhay sa ilat sa halip na sa isang lugar na walang putik? Maaari kayang tinarato Ko sila ng masama? Maaari kayang ipinahamak Ko lamang sila? Maaari kayang inakay Ko sila sa impiyerno? Lahat ay nagnanais manirahan sa "impiyerno." Kapag dumating ang ilaw, kaagad na mabubulag ang kanilang mga mata, dahil nagmumula sa impiyerno ang lahat ng mga bagay na inimbak nila sa mga ito. Gayunman, sila’y ignorante sa mga ito, at tinatamasa lamang nila ang mga “makademonyong kasiyahan." Niyayakap pa nila ang mga ito na parang mga kayamanan dahil sa matinding takot na nanakawin Ko mula sa kanila, bagay na dahilan para mawala nila ang "bukal ng buhay." Takot ang mga tao sa Akin, kaya nananatili silang malayo mula sa Akin at ayaw nilang lumapit kung dumating Ako sa lupa, sapagkat ayaw nilang “gumawa ng problema para sa kanilang mga sarili,” ang nais nila sa halip ay mapanatili ang isang mapayapang buhay pamilya upang matamasa nila ang "kaligayahan sa lupa." Subalit hindi Ko maaaring pahintulutan ang kanilang mga kagustuhan, ang pagsira sa kanilang mga pamilya ang dahilan kung bakit Ako nandito. Mula sa sandali ng Aking pagdating mababalisa ang kapayapaan sa kanilang mga tahanan. Gagambalain Ko ang lahat ng mga bansa, hindi lang ang mga pamilya. Sino ang makaliligtas mula sa Aking dakmal? Paano makaliligtas ang mga taong tumanggap ng mga pagpapala sa bisa ng kanilang pagsuway? Paano makukuha ng mga taong nagdurusa ang Aking pakikiramay sa bisa ng kanilang takot? Sa lahat ng Aking mga salita, nakita ng mga tao ang Aking kalooban at mga gawa, ngunit sino ang maaaring makaligtas mula sa gusot ng sarili niyang mga saloobin? Sino ang maaaring makahanap ng paraan upang tumakas mula sa loob o labas ng Aking mga salita?

Naranasan ng mga tao ang kabutihan Ko, matapat silang nagsilbi at taos-pusong sumunod sa Akin at ginagawa nila ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Ngunit sadyang hindi maabot ng mga tao ngayon ang ganitong paraan ng pamumuhay, at humahagulgol na lamang sila sa kanilang mga espiritu na parang ninakaw ng isang matakaw na lobo. Naghihintay at tumitingala na lamang sila sa Akin, at sumisigaw para sa Aking tulong. Ngunit mula sa simula hanggang sa huli, hindi nila mapalalaya ang kanilang sarili mula sa gusot. Naaalala Ko kung paano mangako ang mga tao noon sa Aking harapan, nanunumpa sila hanggang sa dulo ng mundo sa Aking presensya, upang gantihan ang Aking kagandahang-loob sa kanilang pagmamahal. Umiiyak sila ng may kalungkutan sa Aking harapan, at ang tunog ng mga iyak nila ay nakasasakit ng damdamin at mahirap labanan. Madalas Ko silang tulungan dahil sa kanilang mabuting kalooban. Hindi mabilang ang pagdating ng mga tao sa Aking harapan upang sumunod sa Akin, at hindi malilimutan ang kaibig-ibig nilang mga kaugalian. Hindi mabilang ang pagdating nila upang ibigin Ako ng may matibay na pananampalataya, at kahanga-hanga ang kanilang taos-pusong damdamin. Sa hindi mabilang na mga pagkakataon, ipinahamak nila ang kanilang buhay dahil sa pag-ibig sa Akin, para ibigin Ako ng higit pa sa kanilang mga sarili, at tinanggap Ko ang kanilang pag-ibig dahil nakita Ko ang kanilang katapatan. Sa hindi mabilang na mga pagkakataon, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Aking harapan, hindi sila nabahala sa harap ng kamatayan para sa Akin, at inalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mga mukha, at maingat Kong inintindi ang kanilang mga kalagayan. Maraming mga pagkakataon na inibig Ko ang mga ito na tulad ng sarili Kong kayamanan, at marami ring mga pagkakataon na kinamuhian Ko sila bilang kalaban. Dahil sa katauhan Ko-hindi nila kailanman maaaring hulaan ang nasa Aking isipan. Kapag malungkot ang mga tao, dumadating Ako upang aliwin sila, at kapag mahina ang mga ito, dumadating Ako upang tulungan sila. Binibigyan Ko sila ng direksyon kapag nawawala sila. Kapag sila’y umiyak, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Gayunman, kapag malungkot Ako, sino ang umaaliw sa Akin sa pamamagitan ng kanilang puso? Kapag nag-aalala Ako, sino ang makauunawa sa Aking damdamin? Kapag nalulungkot Ako, sino ang makapapawi sa sakit na nararamdaman Ko? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang mag-aalok upang makipagtulungan sa Akin? Paano nawala ang nakaraan nilang saloobin sa Akin at bakit hindi na ito maibabalik kailanman? Bakit walang natira na kahit kaunti sa kanilang mga alaala? Paano nakalimutan ng mga tao ang lahat ng mga ito? Hindi kaya dahil dinungisan sila ng kanilang mga kaaway?

Kapag tumugtog ang mga anghel ng musika at pagtambulin sa papuri sa Akin, hindi Ko mapigilan ang Aking pagkaawa sa tao. Bigla Akong nakararamdam ng malubhang kalungkutan sa Aking puso, at mahirap pawiin ang Aking sarili mula sa masakit na damdamin na ito. Sa Aking kasiyahan at kalungkutan, hindi Ko kayang gunitain ang pakikipaghiwalay at pakikipagbalikan Ko sa tao. Sa paghihiwalay ng langit sa itaas at ng lupa sa ibaba, hindi kami nagtatagpo ng madalas. Sino na ang nakalaya mula sa pagkabalisa? Sino na ang nakapigil sa pag-alala sa nakaraan? Sino ang hindi nasasabik na umasam sa pagpapatuloy ng masayang damdamin ng nakaraan? Sino ang hindi umaasa sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nagnanais sa muli Kong pakikiisa sa tao? Malalim ang pagkakabagabag ng Aking puso, at matindi ang pag-aalala ng kanilang mga espiritu. Bagamat pareho ang aming mga espiritu, hindi kami maaaring magkasama ng madalas, at hindi namin maaaring makita ang isa’t isa ng palagian. Sa gayong paraan malalim ang pagkaagrabyado at walang sigla ang buhay ng sangkatauhan, kaya lagi silang nananabik sa Akin. Para silang mga bagay na bumagsak mula sa langit, isinisigaw nila ang pangalan Ko mula sa mundo, tumitingala sila sa Akin mula sa lupa-ngunit paano sila makatatakas mula sa bibig ng gutom na lobo? Paano nila palalayain ang kanilang mga sarili mula sa pagbabanta at tukso nito? Paanong hindi nila kayang isakripisyo ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga direksyon ng Aking plano? Kapag malakas ang kanilang pagmamakaawa, inilalayo Ko ang mukha Ko sa kanila, hindi Ko na kayang saksihan ito; gayunpaman, paanong hindi Ko maririnig ang tunog ng mga naturang pag-iyak ng mga tao? Gusto Kong itama ang mga kawalan ng hustisya sa mundo ng tao. Personal Kong gagawin ang Aking trabaho sa buong mundo, hindi Ko na hahayaan si Satanas na muling saktan ang Aking bayan, pagbabawalan Ko ang kaaway na gawin muli ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking trono doon, payuyukuin Ko ang lahat ng mga kaaway sa lupa at ikukumpisal nila ang mga krimeng nagawa sa Aking harapan. Lilipulin Ko ang buong sandaigdigan dahil sa magkahalong lungkot at galit Ko, sisindakin Ko ang lahat ng mga kaaway at wala Akong ititira ni isa. Gusto Kong sirain ang mundo, kung saan naroroon ang lahat ng mga kaaway, para mapigilan sila sa patuloy na pagsira sa sangkatauhan. Ganap na ang Aking plano, at walang sinuman ang makababago dito. Sa maluwalhating paglutang Ko sa itaas ng sandaigdigan, magkakaroon ng panibagong pananaw ang lahat ng mga tao, at mapasisigla ang lahat ng mga bagay. Hindi na sila iiyak, at hindi na sila dadaing sa Akin para sa tulong. Magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang makipagdiwang sa Akin. Magbubunyi ang buong sandaigdigan, mula sa itaas hanggang sa ibaba, dahil sa kagalakan ....
Tinutupad Ko na ngayon ang gawain na itinakda Kong makamit sa iba’t-ibang bansa. Nililibot Ko ang lahat, ginagawa Ko ang lahat ng Aking trabaho ayon sa Aking plano, at “nahahati” ang mga bansa ayon sa Aking kalooban. Habang papalapit ang araw at tumunog na ang mga trumpeta ng mga anghel, nakatutok lamang ang mga tao sa lupa sa sarili nilang hantungan. Wala nang pagkaantala sa oras o araw, at magsisimula nang sumayaw sa kagalakan ang lahat ng mga bagay. Sino ang makapagpapalawig sa Aking araw sa kanilang kalooban? Isa kayang tagalupa? Maaari kayang ang mga bituin sa kalangitan o ang mga anghel? Kapag nagpahayag Ako at sinimulan Ko ang kaligtasan ng mga tao ng Israel, nalalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan. Kinatatakutan ng bawat tao ang pagbabalik ng Israel. Kapag bumalik ito, yan na ang araw ng kaluwalhatian Ko, at ang araw na mapapalitan ang lahat ng bagay at magiging bago. Sa pagdating ng matuwid na paghuhukom sa buong sandaigdig, panghihinaan ng loob ang lahat at matatakot, dahil hindi pa nangyari ang katuwiran sa mundo ng tao. Kapag lumitaw ang araw ng katuwiran, magliliwanag ang Silangan, at pagkatapos nito ay liliwanagan niya ang buong sandaigdigan, na aabot sa lahat. Kung talagang ginagawa ng tao ang Aking katuwiran, ano ang dapat na katakutan? Hinihintay ng lahat ng mga tao Ko ang pagdating ng Aking araw, inaasam nila ang pagdating nito. Hinihintay nila Ako upang gantimpalaan ang buong sangkatauhan at para matukoy ang kanilang hantungan gaya ng araw ng katuwiran. Nahuhubog ang kaharian Ko sa buong sandaigdig, at sinasakop ng Aking trono ang mga puso ng trilyon-trilyong mga tao. Sa tulong ng mga anghel, malapit nang matagumpay na maging ganap ang dakila Kong gawain. Sabik na hinihintay ng lahat ng Aking mga anak at ng Aking bayan ang Aking pagbabalik, inaasam nila ang muli Kong pakikisama sa kanila, na hindi na kailanman maghihiwalay pa. Sa pakikisalamuha Ko sa kanila, paanong hindi magdiriwang ang lahat ng mga tao sa Aking kaharian? Wala kayang halaga ang muling pagtitipon na ito? Marangal Ako sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Sa Aking pagbabalik, mas lalo Kong lulupigin ang lahat ng mga pwersa ng kaaway. Ang oras ay dumating na! Gusto Kong kumilos ang Aking gawain, gusto Kong maghari ng pinakadakila sa kalagitnaan ng tao! Babalik Ako! Aalis ako! Ito ang inaasam ng lahat, ang kanilang inaasahan. Gusto Kong makita ng lahat ang pagdating ng Aking araw at salubungin nila ng may kagalakan ang pagdating ng araw Ko!
Abril 2, 1992



Walang komento: