Marami Akong gustong sabihin sa tao, napakaraming bagay na kailangan Kong sabihin sa kanya. Ngunit kulang ang kakayahan ng tao na tanggapin ito: Hindi niya kayang unawain nang lubos ang Aking salita ayon sa Aking hinahayag, at isang aspeto lamang ang kanyang nauunawaan ngunit walang nalalaman sa iba. Ngunit hindi Ko pinarusahan ang tao ng kamatayan dahil sa kawalan niya ng kapangyarihan, ni hindi Ako naagrabyado sa kanyang kahinaan. Ginagawa Ko lamang ang Aking trabaho, at nagsasalita gaya ng lagi Kong ginagawa, kahit na hindi nauunawaan ng tao ang Aking kalooban; kapag dumating na ang araw, makikilala Ako ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at maaalala nila Ako sa kanilang mga isipan. Kapag umalis na Ako sa mundong ito, eksaktong aakyat Ako sa trono sa puso ng tao, ibig sabihin, ito ang panahon na makikilala Ako ng lahat ng mga tao. Kaya ito rin ang pagkakataon na ang Aking mga anak at ang Aking bayan ang mamamahala sa buong mundo. Ang sinumang makakakilala sa Akin ay tiyak na magiging mga haligi ng Aking kaharian, at magiging kwalipikado na mamahala at gumamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Ang lahat ng nakakakilala sa Akin ay pag-aari Ko, at isinasabuhay Ako sa gitna ng mga tao. Hindi Ko tinitingnan kung hanggang saan Ako kilala ng tao: Walang makakahadlang sa Aking paggawa sa anumang paraan, at walang maitutulong sa Akin ang tao at walang magagawa para sa Akin. Masusundan lamang ng tao ang Aking gabay sa Aking liwanag, at mahahanap ang Aking kalooban sa liwanag na ito. Sa araw na ito, naging kwalipikado ang mga tao at naniniwalang kaya nilang magmayabang sa Aking harapan, at makitawa at makipagbiruan sa Akin nang wala man lang kahit kaunting pagpipigil, at pakikitunguhan Ako bilang kapantay lamang. Hindi pa rin Ako kilala ng tao, naniniwala pa rin siyang halos pareho lang kami sa diwa, na pareho kaming may laman at dugo, at naninirahan sa mundo ng mga tao. Ang kanyang paggalang sa Akin ay masyadong kakaunti; iginagalang niya Ako kapag kaharap niya Ako, ngunit walang kakayahang maglingkod sa Akin sa harap ng Espiritu. Para sa tao, ang Espiritu ay tila hindi umiiral kailanman. Ang resulta, walang taong nakakilala sa Espiritu, at ang nakikita lamang ng mga tao ay ang laman at dugo ng Aking pagkakatawang-tao, at hindi tumitingin sa Espiritu ng Diyos. Maaari kayang tunay na matupad ang Aking kalooban sa ganitong paraan? Ang mga tao ay eksperto sa pandaraya sa Akin; parang sadya silang tinuruan ni Satanas upang lokohin Ako. Ngunit hindi Ako naliligalig ni Satanas. Gagamitin Ko pa rin ang Aking karunungan para sakupin ang buong sangkatauhan at talunin ang nagpapasama ng buong sangkatauhan, upang maitatag ang Aking kaharian dito sa lupa.
Sa mga tao, may mga nagtangkang alamin ang tiyak na sukat ng mga bituin, o ang lawak ng kalawakan. Ngunit di-kailanman napatunayang nagbunga ang kanilang pananaliksik, at iniyuko na lamang nila ang kanilang mga ulo dahil sa pagkadismaya at tinanggap ang kanilang pagkabigo. Sa pagtingin sa lahat ng tao at sa pagmamasid sa dinamika ng tao sa kanyang pagkabigo, wala Akong nakita na lubusang naniniwala sa Akin, walang sumusunod o nagpapasakop sa Akin. Napakatayog ng mga ambisyon ng tao! Nang ang buong kalaliman ay madilim, natikman Ko sa mga tao Ko ang kapaitan ng mundo. Naglilibot ang Aking Espiritu sa buong mundo at pinagmamasdan ang mga puso ng lahat ng tao, gayunman, nasasakop Ko ang sangkatauhan sa Aking pagkakatawang-tao. Hindi Ako nakikita ng tao, dahil siya ay bulag; hindi Ako nakikilala ng tao, dahil lumaki siyang manhid; sinasalungat Ako ng tao, dahil siya ay masuwayin; yumuyukod ang tao sa Aking harapan dahil siya ay Aking nasakop; iniibig Ako ng tao sapagkat likas Akong karapat-dapat sa pagmamahal ng tao; isinasabuhay Ako ng tao at inihahayag Ako, dahil ginawa siyang ayon sa Aking puso ng Aking kapangyarihan at karunungan. Mayroon Akong lugar sa puso ng tao, ngunit kailanman wala Akong natanggap na pagmamahal mula sa kanyang espiritu. Tunay ngang may mga bagay sa espiritu ng tao na minamahal niya nang higit sa lahat, ngunit hindi Ako ang isa sa mga ito, kaya ang pag-ibig ng tao ay katulad ng bula ng sabon: kapag hinipan ito ng hangin, pumuputok ito at nawawala, at hindi na makikita ulit. Lagi Akong matiyaga at hindi nagbabago ang saloobin Ko sa tao. Mayroon ba sa mga tao na ganito rin ang ginawa? Sa mga mata ng tao, hindi Ako matarok at tulad sa hangin na hindi nakikita, at dahil dito, ang karamihan sa mga tao ay naghahanap lamang sa walang-hanggang kalangitan, o sa gumugulong na alon ng dagat, o sa mapayapang lawa, o sa mga walang saysay na mga sulat at mga doktrina. Wala kahit isang tao ang nakakaalam sa diwa ng sangkatauhan, mas lalo nang walang makapagsasabi ng kahit ano tungkol sa misteryo ng kalooban Ko, kaya hindi Ko hinihiling na abutin ng tao ang pinakamataas na mga pamantayan na inaakala niyang hinihingi Ko sa kanya.
Sa gitna ng Aking mga salita, gumuho ang mga bundok, bumaligtad ang agos ng tubig, naging masunurin ang tao, at nagsimulang umagos ang tubig sa mga lawa nang walang tigil. Bagaman dumadaluyong ang nagngangalit na alon ng dagat patungo sa langit, sa gitna ng Aking mga salita, ang mga dagat na ito ay kumalma tulad ng ibabaw ng isang lawa. Sa pinakabahagyang kumpas ng Aking kamay, ang mabagsik na unos ay dali-daling napapawi at lumalayo sa Akin, at ang mundo ng mga tao’y biglang nagbabalik sa kapayapaan. Ngunit nang Aking ipamalas ang Aking matinding poot, kaagad gumuho ang mga bundok, nanginig agad ang lupa, natuyo agad ang tubig, at biglang ginambala ng sakuna ang tao. Dahil sa Aking matinding poot, hindi Ko pinansin ang mga hiyaw ng tao, wala Akong ibinigay na tulong bilang tugon sa kanyang pagtangis, dahil nagngingitngit ang Aking galit. Kapag Ako ay nasa kalangitan, hindi kailanman nakakaramdam ng takot ang mga bituin dahil sa Aking presensya. Sa halip, ibinubuhos nila ang kanilang mga puso sa pagtatrabaho para sa Akin, kaya pinagkakalooban Ko sila ng karagdagang liwanag at lalo silang pinakikislap, upang magkamit pa sila ng mas dakilang karangalan para sa Akin. Mas maliwanag ang kalangitan, mas madilim ang mundo sa ibaba; kaya maraming tao ang nagreklamo na hindi naaayon ang Aking pagsasaayos, kaya marami ang umiwan sa Akin upang magtayo ng kanilang sariling kaharian, na kanilang ginamit upang ipagkanulo Ako, at baligtarin ang kasalukuyang kalagayan ng kadiliman. Ngunit sino ang nakagawa nito sa pamamagitan ng kanilang paglutas? At sino ang naging matagumpay sa kanilang resolusyon? Sino ang makakasalungat sa bagay na inayos ng Aking kamay? Kapag lumalaganap ang tagsibol sa buong lupain, buong lihim at tahimik Akong nagpapadala ng liwanag sa mundo, upang makaramdam ng panandaliang sariwang hangin ang tao sa lupa. Ngunit sa sandaling iyon, pinalalabo Ko ang mga mata ng tao, upang ang makikita lamang niya ay ang hamog na bumabalabal sa lupa, at lahat ng tao at mga bagay ay nagiging malabo. Walang magawa ang mga tao kundi magbuntong-hininga sa kanilang sarili, bakit sandali lamang ang itinagal ng liwanag? Bakit hamog at kalabuan lamang ang ibinibigay ng Diyos sa tao? Sa gitna ng pagkabigo ng mga tao, madaling naglalaho ang hamog, ngunit nang mamataan nila ang kislap ng liwanag, nagpakawala Ako sa kanila ng malakas na ulan, at ang kanilang mga tainga ay nabingi sa mga kulog habang sila’y natutulog. Dahil sa takot, wala na silang panahon upang humanap ng masisilungan, at nilamon sila ng malakas na buhos ng ulan. Sa isang iglap, lahat ng bagay sa ilalim ng kalangitan ay inanod sa gitna ng Aking nagpupuyos na galit. Hindi na nagrereklamo ang mga tao tungkol sa pagsisimula ng malakas na ulan, at nabuo ang takot sa kanilang lahat. Dahil sa biglang pagbuhos ng ulan na ito, maraming tao ang nalunod sa pamamagitan ng tubig na bumuhos mula sa langit, at naglutangan ang mga bangkay sa tubig. Pinagmasdan Ko ang buong mundo at nakitang maraming tao ang nagising, marami ang nagsisi, marami ang naghanap sa pinagmulan ng mga tubig sa maliliit na bangka, marami ang yumukod sa Akin upang humingi ng Aking kapatawaran, marami ang nakakita sa liwanag, marami ang nakakita sa Aking mukha, marami ang nagkaroon ng tapang na mabuhay, at ang buong mundo ay nabago. Pagkatapos nitong malakas na buhos ng ulan, bumalik ang lahat ng mga bagay sa kung paano Ko sila inilarawan sa Aking isip, at hindi na sila masuwayin. Hindi nagtagal, napuno ang buong lupain ng tawanan, saanmang dako sa mundo ay puno ng pagpupuri, at walang lugar na wala ang Aking kaluwalhatian. Ang Aking karunungan ay nasa lahat ng dako ng mundo, at nasa kabuuan ng buong sansinukob. Sa gitna ng lahat ng mga bagay ay ang mga bunga ng Aking karunungan, sa gitna ng lahat ng mga tao ay ang pinakamahusay na gawa ng Aking karunungan; ang bawat bagay ay katulad ng lahat ng mga bagay sa Aking kaharian, at lahat ng tao ay nagpapahinga sa ilalim ng Aking kalangitan tulad ng mga tupa sa Aking mga pastulan. Kumikilos Ako sa ibabaw ng lahat ng tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang nagmumukhang matanda, at walang tao na katulad nang dati. Namamahinga Ako sa trono, sumasandig Ako patawid sa buong sansinukob, at Ako’y lubos na nasiyahan, dahil naibalik ang lahat nang bagay sa kanilang kabanalan, at muli Akong maninirahan nang mapayapa sa Sion, at ang mga tao sa mundo ay mamumuhay ng mapayapa, may kuntentong pamumuhay sa ilalim ng Aking paggabay. Pinapangasiwaan ng lahat ng tao ang lahat ng bagay sa Aking kamay, nabawi na nila ang dating kaalaman at orihinal na anyo; hindi na sila nababalutan ng alabok, ngunit, sa Aking kaharian, dalisay sila na tulad ng isang batong luntian, ang bawat isa sa kaibuturan ng puso ng tao ay may mukha ng isang banal, dahil naitatag na ang Aking kaharian sa kalagitnaan ng mga tao.
Marso 14, 1992
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento